Ilang lugar sa Metro Manila, nakaranas ng mga pagbaha dulot ng bagyong Fabian at Habagat
Ilang lugar sa Metro Manila ang nakaranas pa rin ng pagbaha kagabi dahil sa patuloy na mga pag-ulan dulot ng bagyong Fabian kasabay ng Habagat.
Sa bahagi ng Canaynay Ave., Paranaque City, marami ang na-stranded.
Ang ilang motorista sinusuong na lamang ang tubig-baha kung saan marami ang tumirik na sasakyan.
Ang iba naman ay humanap na lamang ng ibang madadaanang ruta.
Ilang drainage, nagmistulang maliliit na water fountains.
Naging mabagal din ang daloy ng trapiko dahil sa hindi pa maayos na kalsada at may mga butas ito.
Sa Barangay Karunungan, Signal Village, Taguig City, ilang pamilya at indibiduwal ang inilikas matapos pasukin ng tubig-baha ang kanilang tahanan.
Dinala ang mga ito sa evacuation center sa lungsod.
Sa Barangay Cupang, Muntinlupa, hindi rin nakaiwas ang mga residente sa baha kung saan pinasok din ang kanilang tahanan.
Sa Maynila, pasado alas 11:00 ng gabi ay gutter- deep na baha o halos hanggang tuhod ang naranasan ng mga motorista sa kahabaan ng Taft Avenue mula Pedro Gil hanggang Kalaw Avenue.
Ilang mga motorista rin ang nakipagsapalaran na suungin ang baha upang makarating sa kanilang mga pupuntahan.
Sa las Piñas City, nararanasan din ng mga residente na nasa mababang lugar ang tubig-baha maging ang mga kabahayang apektado ng isinasagawang pagsasaayos ng mga drainage at ilang kalsada partikular sa bahagi ng Zapote.
Ayon sa ilang residente sa lugar, sanay na sila sa ganitong sitwasyon subali’t mahirap pa rin daw lalo na kapag itinataas na nila ang kanilang mga gamit dahil inaabot na rin ang loob ng kanilang bahay ng tubig- baha sa tuwing bumubuhos ang malakas na ulan.
Michael Atacador/Beth Paguntalan/Charlyn Barlaan/George Gonzaga/Henry Crisostomo