Ilang malls sa Maynila, binalaang ipasasara kung magpapatuloy ang bentahan ng mga nakaw na cellphone
Nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno na ipasasara ang ilang malls sa Maynila gaya ng Tutuban at Isetann mall kung magpapatuloy ang bentahan doon ng mga nakaw na cellphones.
Ginawa ni Moreno ang pahayag kasunod ng pagkaka-aresto ng ilang indibidwal na sinasabing sangkot umano sa buy and sell ng mga nakaw na cellphone sa Maynila.
Kasabay nito, ipinrisinita ni Moreno ang mga nasabing suspek na nahuli matapos ang ginawang operasyon ng Manila Police district Smart o Special Mayor’s Reaction Team.
Aabot naman sa 148 na iba’t ibang uri ng umano’y nakaw na cellphone ang nakumpiska ng MPD-SMaRT.
Dismayado si Moreno na mayroon ding mga naaresto na menor-de-edad na mga snatcher at holdaper, na pakalat-kalat sa kalsada at napabayaan ng mga magulang.
Ang mga ito ay nasa pangangalaga na ng Manila Department of Social Welfare.
Pinaiimbestigahan din ng alkalde kung may human trafficking ng mga menor de edad, para gawing magnanakaw o isama sa sindikato.
Paalala naman ni Moreno, walang bibili ng mga nakaw ay walang magtatangka na magnakaw.
Ulat ni Madz MOratillo