Ilang miyembro ng Maute group posibleng nakalusot sa Iligan at CDO pero wala nang kakayahang makapaghasik ng terorismo ayon sa AFP
Hindi inaalis ng militar ang posibilidad na maaaring may ilang miyembro ng teroristang Maute mula sa Marawi City ang nakapasok sa Iligan City at Cagayan de Oro City.
Sinabi ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla mahigpit ang ginagawang koordinasyon ng militar at pulisya sa mga local officials upang maagapan ang anomang panggugulo na maaaring gawin ng mga galamay ng Maute Group.
Ayon kay Padilla buong higpit na binabantayan ng mga security personnel ng pamahalaan ang Iligan City at Cagayan de Oro City upang hindi na maulit ang ginawang pananakop ng teroristang Maute group sa Marawi City kaya walang dapat ipangamba ang mga residente roon.
Muling inulit ni Padilla ang panawagan sa publiko na maging alerto at makipagtulungan sa mga otoridad upang agad na makakilos ang mga security personnel ng gobyerno at masawata ang anumang karahasan na binabalak ihasik ng mga terorista.
Ulat ni: Vic Somintac