Ilang national roads sa mga lugar na dinaanan ng bagyong Maring at Nando, sarado pa rin sa mga motorista
May walong national road sections sa Cordillera Administrative Region, 4 sa Region 1, 2 sa Region 2 at 1 sa Region 7 ang sarado sa lahat ng uri ng sasakyan dahil sa mga nagbagsakang puno, mga pagguho ng lupa, baha at nasirang tulay dahil sa epekto ng bagyong Maring at Nando.
Sa ulat ng Department of Public Works and Highways, sa CAR ay sarado sa mga motorista ang Kennon Road Camp 1 sa Tuba, Benguet dahil sa mga natumbang puno at mga bumabagsak na debris; Baguio- Bontoc Road sa may bahagi ng Caliking, bahagi ng Half Tunnel sa Paoay, at bahagi ng Cattubo sa Atok, Benguet; Asin-Nangalisan – San Pascual – La Union Boundary Road sa Lasong at bahagi ng Sipitan, sa bayan ng Tadiangan sa Benguet dahil sa gumuhong lupa; Apayao- Ilocos Norte Road sa bahagi ng Butao sa Calanasan, Apayao dahil sa landslide; Pico – Lamtang Road sa Lamtang, La Trinidad, Benguet dahil sa gumuhong lupa at bumagsak na puno; Gov. Bado Dangwa National Road sa Poblacion at bahagi ng Palina, Kibungan, Benguet; Cong. Andres Acop Cosalan Road sa Amlimay at bahagi ng Abatan, Buguias, Benguet; at Abatan-Mankayan-Cervates Road at bahagi ng Dowag, sa Guinaoang, Mankayan dahil sa gumuhong lupa.
Sa Region 1 naman, hindi madaanan ant Manila North Road sa Brgy. Sacuyya, Santa at Bayugao Bridge sa Sta Cruz, Ilocos Sur dahil sa landslide at nasirang tulay; San Juan – San Gabriel Road at bahagi ng Luna – Bangar Road sa La Union dahil sa landslide at mga pagbaha; at Rosario – Pugo Road sa Brgy. Ambalite, Pugo sa La Union dahil sa mudslide.
Sa Region 2 naman hindi madaanan ang Baybayog-Baggao-Dalun-Sta. Margarita Road, Abusag Overflow Bridge sa Cagayan at Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge sa Cabagan Sta. Maria, Isabela dahil sa mataas na tubig habang sa Region 7 naman ay sarado ang Cebu-Toledo Wharf Road sa Brgy. Manipis, Talisay City, Cebu dahil sa gumuhong lupa at bumagsak na bato.
Dahil naman sa baha, limitado muna sa malalaking sasakyan ang Manila North Road sa Sta. Cruz-Sta. Lucia Boundary sa Candon, bahagi ng Brgy. Baliw Daya sa Sta Maria, at bahagi ng Brgy. Nanguneg, Narvacan sa Ilocos Sur; at bahagi ng Manila North Road sa La Union.
Ang Batangas-Tabangao-Lobo Road naman ay passable lamang sa maliit na sasakyan dahil sa damage sa seawall na naapektuhan ng mga nakaraang bagyo.
Madz Moratillo