Ilang opisyal ng National Printing Office, nahaharap sa patung-patong na kaso
Ilang mga opisyal ng National Printing Office (NPO) ang pinagpapaliwanag, matapos ireklamo ng isang grupo hinggil sa umano’y korapsiyon bago ang May 2022 national at local elections sa bansa.
Nakasaad sa isinampang reklamo sa Office of the Ombudsman, ang maanomalyang paglalabas o paggamit ng pondo mula sa kaban ng bayan, na nagkakahalaga ng higit isangdaan at siyamnapu’t pitong milyong piso na ibinayad sa isang pribadong kompanya, upang mag-imprenta ng mga balota.
Kasama rin sa kinukuwestiyon ng Task Force Kasanag Organization, ang paggamit sa kahina-hinalang authorization letter mula kay dating presidential secretary Trixie Cruz-Angeles, na nagbibigay umano ng pahintulot na mailabas ang nasabing pondo.
Giit ni ng founder/president ng naturang task force na si John Chiong, kailangan aniyang dumaan muna sa Commission on Audit at sa public bidding laluna kung may sangkot na pera ng gobyerno.
Kabilang sa pinagpapaliwanag sa nasabing reklamo ay sina NPO Director Carlos Bathan, Engr. Benedicto Cabral, Yolanda Barcelo, Lea dela Cruz, at ang pangulo ng Holy Family printing corporation na kausap ng NPO.
Umapela naman si Bathan at sinabing hindi patas at malisyoso umano ang isinampang reklamo laban sa kaniya at sa iba pang opisyal ng ahensiya.
Paliwanag nito, wala pang nagaganap na pirmahan tungkol sa joint venture o anumang transaction bidding ang kasalukuyang pamunuan ng NPO.
Kasong plunder, graft and corruption, grave misconduct at gross neglect of duty ang isinampang reklamo laban sa mga nabanggit na opisyal ng NPO.
Jimbo Tejano