Ilang opisyal sa Port of Manila, sinibak sa puwesto
Sinibak na sa pwesto ang ilang opisyal sa Port of Manila at iba pang empleyado ng Bureau of Customs dahil sa hinihinalang sangkot sa iligal na pagpapalabas ng 105 container sa pantalan.
Kinilala ang mga ito na sina acting Chief ng Formal Entry Division ng Port of Manila na si Antonio Pascual, Assistant Chief nito na si Evelyn Estur at iba pang kawani ng BOC.
Ang mga container na iligal umanong ipinalabas sa Aduana ay naglalaman ng mga agricultural product, lumber wood product at ceramic tiles na mula sa China.
Sinabi ni customs Commissioner Isidro Lapeña, maaaring maharap sa kasong grave misconduct at smuggling ang mga empleyadong sangkot.
Nasa ilalim anya ng alert order ang mga nasabing container dahil sa maling deklarasyon ng laman nito, at under evaluation.
Kabilang sa mga importer ng pinull-out na mga container ay ang Abundance Gain Indent Trading Corp., Imprerial Foods and Agricultural Products, Mega Abundance Steel Indent Trading Corp., Paragon Platinum International, Premiere Oak Lumber and Wood Products, at Spectrum Highlands Marketing Corporation.
Itinanggi naman ng mga sinibak na opisyal na sangkot sila sa anomalya at sinabing pineke ang kanilang mga pirma.
Ulat ni Moira Encina