Ilang palengke at supermarket sa Maynila, ininspeksyon ng DTI
Nananatiling stable ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga palengke at supermarket kahit pa nagsimula na ang pagpasok ng “ber” months.
Ito ang inihayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo matapos ang ginawang pag-iikot sa Quinta market sa Quiapo at ilang supermarket sa Maynila.
Payo naman ni Castelo sa mga bumibili ng karneng baboy, tingnan kung may tatak ito ng National Meat Inspection Service (NMIS) bilang katunayang dumaan ito sa masusing pagsusuri at hindi apektado ng African swine flu.
Sa pag-iikot naman ni Castelo sa mga nagtitinda ng bigas…nakita nitong maraming tindero pa rin ang hindi pa nagkakaltas ng presyo sa kabila ng Rice Tariffication law.
Ayon kay Castelo, dapat ay nasa 5.00 piso hanggang 7.00 piso na ang bawas sa kada kilo ng bigas……halimbawa sa 39 pesos ay 32 pesos na dapat hanggang 34 pesos ang kada kilo ng commercial rice.
Available pa rin naman ang NFA rice, na ngayon ay nasa 27.00 piso hanggang 32.00 kada kilo.
Sinabi naman ni Castelo na sa oras na dumating na ang mga inimport na bigas ay inaasahang mapupuno ang mga pamilihan ng mga bigas at bababa ang presyo nito.
Sa mga de lata at iba pang pangunahing bilihin sa mga supermarket naman ay wala pa rin namang nakitang paggalaw ang DTI.
Inaasahang sa katapusan ng Setyembre ay maglalabas ng bagong Suggested Retail Price ang DTI para maging gabay ng mga mamimili.
Ayon kay Castelo…ngayong nagsimula na “ber months” ay mahigpit na ang price monitoring ng DTI, upang maiwasan ang pang-aabuso ng mga negosyante.
Ulat ni Madelyn Moratillo