Ilang PDLs na lumaya mula sa Bilibid, tumanggap ng livelihood assistance mula sa DOLE
Kabuuang 340 persons deprived of liberty (PDLs) mula sa iba’t ibang kulungan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang lumaya ngayong Lunes, Enero 23.
Ito na ang ikalimang batch ng PDLs na nakalabas sa mga piitan ng BuCor sa ilalim ng Administrasyong Marcos.
Mula sa nasabing bilang, 154 ay mula sa New Bilibid Prisons; 33 sa Correctional Institution for Women; tig-31 sa Davao Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm at Leyte Regional Prison; 42 sa San Ramon Prison and Penal Farm; 27 sa Sablayan Prison and Penal Farm; at isa mula sa Philippine Military Academy.
Sinimulan noong Setyembre ng nakaraang taon ang buwanan na maramihang pagpapalaya sa inmates ng BuCor.
Sa unang pagkakataon ay tumanggap naman ng P20,000 halaga ng tulong pangkabuhayan ang ilan sa PDLs na lumaya partikular ang mga mula sa Metro Manila.
Aabot sa 32 inmates ang binigyan ng DOLE- NCR ng certificate of eligibility sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program.
Magsisilbi itong pilot test ng programa sa NCR.
Sinabi ni DOLE- NCR Senior Labor and Employment Officer Aurora Halcon na ang ibang lumaya na mula sa ibang rehiyon ay iri-refer nila sa regional offices ng kagawaran.
Ilan sa livelihood assistance aniya na maaaring i-avail ng PDLs at ng kanilang pamilya ay ang Bigasan Package, Nego-Kart Package, Welding Package, Carwash Package, at iba pa.
Moira Encina