Ilang priority legislative agenda ng Marcos govt, ipapasa ng Senado sa huling linggo ng sesyon – Zubiri
Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ipapasa ng Senado ngayong huling linggo ng sesyon ang ilan sa mga legislative priority agenda ng Marcos administration.
Kabilang na rito ang Maharlika Investment Fund (MIF) bill na sinertipikahang urgent ng Malacañang, Trabaho para sa Bayan bill at mga Regional Specialty Centers.
Bukod pa rito ang panukalamg palawigin ang deadline ng Estate Tax Amnesty na itinakda sa June ng 2025.
Sa sandlaing ma-aprubahan ngayong linggo, sinabi ni Zubiri na maaaring maisumite ito sa tanggapan ng pangulo at malagdaan bago ang kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.
Sakaling mapirmahan at maging batas, pitong priority measures ng Marcos administration ang maitatalang naisabatas sa First Regular Session ng 19th Congress.
Kasama na rito ang mga naunang naisabatas na SIM Registration law, pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at ang amyenda sa AFP Fixed Term Law.
Sinabi ni Zubiri na bunga ito ng pagtutulungan at magandang relasyon ng mga senador at ng Malacañang.
Meanne Corvera