Ilang pulis at PDEA agents,sinampahan ng mga reklamo ng NBI sa DOJ kaugnay sa shootout sa Quezon City noong Pebrero
Ipinagharap ng patung-patung na reklamong kriminal at administratibo ng NBI-NCR sa DOJ ang ilang pulis at tauhan ng PDEA dahil sa shootout sa Quezon City noong Pebrero na ikinamatay ng apat katao.
Mga reklamong homicide, attempted homicide, direct assault, robbery, conniving to evasion, at falsification of documents ang inihain laban sa mga respondents.
Apat na PDEA agents mula sa Special Enforcement Service sa Diliman, QC ang kasama sa mga kinasuhan.
Umaabot naman sa 12 pulis mula sa QC Police District- District Special Operations Unit ang kabilang sa mga sinampahan ng reklamo.
Kinasuhan rin ng NBI ang ilan pang mga hindi tukoy na salarin sa insidente.
Ayon sa NBI,nagkaroon ng lapses sa drug operations at sa paghawal sa assets kaya nangyari ang shootout.
Kabilang sa mga isinumiteng ebidensya ng NBI ay ang digital forensic laboratory report, sinumpaang salaysay ng mga testigo, ballistic examination reports, at iba pa.
Ang NBI ang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging sole investigator sa insidente.
Una nang iginiit ng PNP at PDEA na lehitimo ang anti-drugs operation nila sa Commonwealth Avenue at may koordinasyon sa pagitan ng dalawang panig.
Namatay sa insidente ang dalawang pulis, isang PDEA agent, at isang informant.
Moira Encina