Ilang pulis na sangkot sa tinaguriang ‘Bloody Sunday,’ kinasuhan ng murder sa piskalya
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na inirekomenda ng AO 35 Special Investigating Team na sampahan ng kasong murder ang mga pulis na dawit sa pagkamatay ng mga aktibista sa CALABARZON noong Marso 7 na tinaguriang ‘Bloody Sunday.’
Ayon sa kalihim, partikular na kinasuhan ang mga alagad ng batas na sangkot sa pagkamatay ng aktibistang si Emmanuel Asuncion.
Si Asuncion ay isa sa siyam na aktibistang napaslang sa serye ng raid ng pulisya sa CALABARZON noong March 7.
Kabuuang 17 pulis ang sinampahan ng reklamo sa piskalya sa Dasmariñas, Cavite.
Itinakda ang preliminary hearing sa reklamo sa Enero 11 at 25, 2022.
Sinabi ni Guevarra na tinatapos pa ng AO 35 Task Force ang mga panayam sa mga testigo sa pagkamatay ng mag-asawang sina
Ariel at Chai Evangelista sa Batangas.
Hindi isinama sa imbestigasyon ng task force ang pagkamatay ng mag-pinsan na sina Puroy Dela Cruz at Randy Dela Cruz dahil walang nakitang cause-oriented connection ang insidente.
Tiniyak ng kalihim na nagpapatuloy ang iba pang imbestigasyon ng Special Investigating Team.
Moira Encina