Ilang security camps sa Bilibid at Women’s Correctional, walang kuryente, ayon sa BuCor
Walang suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng New Bilibid Prison at sa Correctional Institution for Women dahil sa epekto ng bagyong Ulysses.
Ayon sa Bureau of Corrections PIO, nakaranas ng blackout sa magdamag ang mga prison camps sa Bilibid.
Sa ngayon ay balik na ang limitadong kuryente sa ilang tanggapan at security camps sa Bilibid.
Gumagamit lang din ng emergency lights ang NBP Hospital.
Nasira naman ang apat na empty isolation tents sa harap ng ospital at binabaklas na para makumpuni.
Nagtumbahan din ang maraming puno sa loob ng NBP reservation pero karamihan ay naalis na sa mga daan.
Hindi na pinapasok ang mga non essential office personnel pero ang mga kawani na nakatira sa reservation at kalapit na lugar ay on call at nakastandby.
Gayunman, wala namang malaking pinsala sa mga istruktura sa Bilibid at ligtas at accounted ang mga inmates.
Samantala, walang kuryente rin ang Women’s Correctional sa Mandaluyong.
Pero wala ring major damage sa kulungan at lahat ng PDLs ay ligtas batay sa report ng CIW Superintendent.
Moira Encina