Ilang Senador igigiit ang hiwalay na botohan sa pagdaraos ng special session sa Martial Law extension
Tila mas magiging mahaba pa ang debate sa paraan ng pagboto ng Kamara at Senado sa isyu ng pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.
Bukod sa mga detalye o mga batayan kung bakit kailangang magdeklara ng Martial Law sa loob ng susunod na limang buwan nais ng mayorya ng mga Senador na hiwalay na pagbotohan ng Kamara at Senado ang isyu.
Sinabi ni Senador Joel Villanueva, dahil sa Sabado ang unang pagkakataon na magpapatawag ng joint session ang dalawang kapulungan, nais nyang magpatawag muna ng briefing ang Senate leadership hinggil sa rules.
Marami ring dapat ipaliwanag ang mga opisyal ng gobyerno lalo na sa epekto ng Martial Law sa pagnenegosyo.
Kahit sina Senador Panfilo Lacson at Richard Gordon, nais ring matalakay muna ang constitutional provision na nagtatakda ng joint voting bago idetalye ang batayan ng Pangulo.
Tiyak na mababalewala ang boto ng mga Senador sa request ng Pangulo na Martial Law extension dahil dominated sila sa bilang mga kongresista.
Dalawamput dalawa na lang ang aktibong miyembro ngayon ng Senado matapos magresign si dating Senador Alan Peter Cayetano na naitalagang kalihim ng Department of Foreign Affairs at nakulong naman si Senadora Leila de Lima habang umaabot naman sa 297 ang miyembro ng Kamara.
Batay sa Article VII, Section 18 ng 1987 Constitution para lumusot ang Martial Law extension, kinakailangan ang majority vote ng lahat ng miyembro ng kongreso sa pamamagitan ng joint voting.
Ulat ni : Mean Corvera