Ilang staff ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, kinasuhan ng katiwalian at paglabag sa Procurement Law sa DOJ


Kinasuhan na sa Department of Justice o DOJ ang ilang staff ni Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno dahil sa pagkuha ng information technology consultant ng Korte Suprema nang hindi dumaan sa Public bidding.

Isinampa ni Atty. Lorenzo Gadon ang reklamo laban kina Atty. Ma. Lourdes Oliveros-Chief of Staff ni Sereno; Atty. Michael Ocampo mula sa Office of the Chief Justice at Helen Macasaet na IT Consultant.

Reklamong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 9184 o Government Procurement Reform Act ang inihain ni Gadon sa DOJ laban sa tatlo.

Ang kaso ay nag-ugat sa mga nabunyag sa Sereno impeachment proceedings sa Kamara.

Ayon kay Gadon, dinaan sa negotiated procurement o direct negotiation sa halip na public bidding ang pagkuha kay Macasaet bilang IT Consultant kahit lagpas sa anim na buwan ang serbisyo nito.

Nabatid din aniya na magkakilala dati pa sina Oliveros at Macasaet.

Lumabas din aniya na sobra sa compensation ceiling na itinakda ng Department of Budget and Management para sa Professional consultative services ang kompensasyon na inirekomenda nina Oliveros at Ocampo na matanggap ni Macasaet na umaabot sa 10.6 milyong piso sa loob ng apat na taon.

Sinabi ni Gadon na para sa unang kontrata, 100,000 piso ang kompensasyon kada buwan ni Macasaet pero sa mga sumunod ito ay 250 libong piso na.

Iginiit ni Gadon na dehado ang pamahalaan sapagkuha ng serbisyo ng Supreme Court kay Macasaet.

Ipinunto pa ni Gadon na nilabag ng mga nasabing SC Officials ang anti-graft law nang paghiwa-hiwalayin ang Contract of Service ni Macasaet na umabot sa walong kontrata sa loob ng mahigit apat na taon.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *