Ilang tauhan ng COMELEC at Smartmatic pinakakasuhan ng DOJ ng paglabag Anti-Cybercrime Law dahil sa pagbago ng script ng transparency server noong 2016 elections
Ipinagutos ng DOJ ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Cybercrime Law laban sa ilang opisyal at tauhan ng COMELEC at Smartmatic dahil sa pagbabago ng script sa transparency server noong May 2016 elections.
Sa resolusyon ng DOJnoong June 2 na nilagdaan ni Justice Undersecretary Deo Marco, pinaboran nito ang ilang argument ng petition for review na inihain ni dating ABAKADA Rep. Jonathan dela Cruz at binago ang desisyon ng Manila Prosecutors Office noong September 2016 na nagbabasura sa cybercrime complaint laban sa mga Smartmatic at COMELEC information technology experts.
Ito ay matapos makitaan ng DOJ ng sapat na batayan para kasuhan ng paglabag sa ilalim ng sections 4(a)(1), (3) at (4) ng ra 10175 o Cybercrime Prevention Act sina Smartmatic personnel Marlon Garcia,Neil Baniqued at Mauricio Herrera at comelec IT experts Rouie Peñalba, Nelson Herrera at Frances Mae Gonzales.
Ang nasabing paglabag ay tumutukoy sa illegal access, data interference at system interference sa computer data o network na ginamit noong 2016 elections.
Ibinasura naman ng DOJang reklamo laban kay Smartmatic Project Director Elie Moreno dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Binigyang bigat ng DOJ ang pag-amin ni Garcia na siya mismo ang nagbago ng hashcode at ang kabiguan ng mga respondents na kumuha ng permiso mula sa comelec en banc bago baguhin ang script sa transparency server.
Iginiit ng DOJ na hindi lamang ito labag sa protocol kundi iligal.
Ibig sabihin ang mismong paglabag anila anumang ang intensyon ay sapat na para maparusahan ang lumabag.
Ulat ni: Moira Encina