Ilang testigo haharap sa pagdinig ng Senado sa isyu ng patayan sa Negros Oriental- dela Rosa
May mga testigo nang haharap sa pagdinig ng Senado sa Lunes, April 17, para
magbigay ng testimonya sa mga kaso ng pagpatay sa Negros Oriental.
Ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, chairman ng Senate Committee on
Public Order, nagpasya ang mga testigo na lumutang matapos ang kaso ng
pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay dela Rosa, marami ang lumakas ang loob na lumutang at humarap sa
Senado para ilantad ang serye ng mga pagpatay sa lalawigan.
Nauna nang iniulat ng Department of Justice (DOJ) na bukod kay Degamo may
sampu pang kaso ng pagpatay sa lalawigan.
Tiniyak naman ni dela Rosa na hindi magagamit ang Senado sa labanan ng mga
magkakatunggali sa pulitika.
Ang pakay aniya ng imbestigasyon ay mabigyan ng hustisya ang mga biktima at
makatulong sa pagkalap ng mga ebidensya.
Kailangan rin aniyang makabuo ng mga patakaran laban sa mga private armies
at pagkalat ng mga illegal firearms.
Meanne Corvera