Ilang tips upang manatiling “cool” kahit na mainit ang panahon
Damang-dama na ang mainit na panahon.
Kaya naman, ang ibang mga kababayan natin, tatlong beses sa isang araw kung maligo.
Okay lang naman ito pero ang payo ng eksperto, huwag magbabad dahil baka naman malamigan ang likod, sipunin at ubuhin hanggang sa lagnatin. Kaya ingat-ingat din.
Samantala, may ilang tips na ipinapayo ang eksperto upang maging maginhawa ang pakiramdam o maging cool ika nga sa gitna ng mainit na panahon.
Iwasang magbilad sa araw sa pagitan ng alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Matindi ang sikat ng araw sa mga oras na ito at maaaring magdulot ng skin cancer, heat stroke at mataas na blood pressure.
Mas mainam na magsuot ng mga light colors na damit.Piliin din ang cotton na tela dahil mas presko ito.
Kung lalabas, bukod sa pagsusuot ng face mask, face shield, mainam din na magdala ng payong o kaya ay sombrero bilang proteksyon sa tindi ng sikat ng araw.
Mainam din na magsuot ng shades upang maproteksyunan naman ang mga mata.
Para mapangalagaan ang balat, ipinapayo naman ni Dra. Grace Carole Beltran na dagdagan ang pag-inom ng tubig at hangga’t maaari ay limitahan ang pag inom ng kape, soft drinks at alak dahil ang mga nabanggit na inumin ay maaring maging sanhi ng dehydration.
Belle Surara