Iligal na droga tinangkang ipasok sa isang isolation hotel sa Taguig city
Nasabat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang ilang sachet ng iligal na droga na tinangkang ilusot sa isang isolation hotel sa Bonifacio Global City, Taguig.
Sa ulat ng PCG Task Group Bantay Bayanihan, bandang alas-4:00 ng hapon, isang delivery rider ang dumating sa nasabing hotel bitbit ang isang package para sa isang Returning Overseas Filipino mula sa United Arab Emirates.
Batay sa online declaration form na sinagutan ng sender, ang laman umano ng package ay damit at cellphone.
Pero matapos inspeksyunin ng mga tauhan ng PCG at Bureau of Quarantine ang package, nakita sa likod ng cellphone cover ang plastik na may lamang hinihinalang methamphetamine.
Agad na dinala ang nasabing rider at package sa Taguig Police Station.
Pero napag-alamang inosente ang rider at hindi nito alam na may iligal na droga sa dala nitong package.
Makalipas naman ang isa’t kalahating oras, isa pang rider ang dumating sa nasabing isolation hotel.
Nagpakilala naman itong pinsan umano ng isang ROF at maghahatid lang siya ng mga damit para rito.
Pero nang inspeksyunin, muling nakakita ng plastik na may lamang ‘white crystalline substance’ na hinihinalang iligal na droga ang mga tauhan ng PCG at BOQ.
Dahil dito, dinala rin sa istasyon ng pulisya ang rider.
Kinumpirma ng pulisya na ‘methamphetamine’ nga ang laman ng dalawang plastik na natagpuan sa magkaibang package na tinangkang ipasok sa isolation hotel.
Agad namang nakipag-ugnayan ang pulisya sa dalawang ROF na paghahatiran sana ng mga package na nakitaan ng iligal na droga.
Ngayong araw, sasampahan ng Taguig Police ng mga reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang ROF at maging ang isang rider na pinsan ng isa sa ROF.
Umapila naman si Rear Admiral Rolando Lizor Punzalan, ang Commander ng PCG Task Force Bayanihan ROF, na sana ay makiisa ang lahat, lalo na ang mga kamag-anak ng mga naka-quarantine na ROF, sa pagsunod sa batas at pagtaguyod sa kalusugan ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Huwag na nating ilagay sa balag ng alanganin ang kapakanan ng mga OFW at iba pang ROF sa mga quarantine facilities. Maliban sa nakokompromiso nito ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga kaanak, maaari pa tayong makasuhan dahil sa paglabag sa batas. Kailangan namin ang inyong kooperasyon,”— Rear Admiral Rolando Lizor Punzalan, ang Commander ng PCG Task Force Bayanihan ROF
Madz Moratillo