Illegal recruiter na nag-aalok ng trabaho sa Poland, arestado ng DMW at CIDG
Hinuli ng mga tauhan ng Department of Migrant Workers -Migrant Workers Protection Bureau (DMW-MWPB) at Criminal Investigation and Detection Group Anti-Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU) ang sinasabing illegal recruiter na nag-aalok ng trabaho sa Poland.
Kinilala ng DMW ang suspek na si Mariam Mukalam na mula sa Lambayong, Sultan Kudarat.
Dinakip ng mga otoridad si Mukalam makaraang tanggapin ang P3,000 na hiningi mula sa aplikante para mapabilis ang pag-alis nito papuntang Poland.
Sinabi ng DMW na pinangangakuan ng suspek ang mga biktima ng trabaho sa Poland bilang waiter na may buwanang suweldo na P60,000.
Hinihingan naman ni Mukalam ang mga aplikante na P15,000 na bayad para mapabilis ang pagproseso ng dokumento.
Ayon pa sa DMW, nagpapalipat-lipat ng lugar ang suspek sa oras na makuha ang bayad mula sa mga biktima.
Nakakulong na si Mukalam sa CIDG detention facility sa Kampo Crame sa Quezon City na nahaharap sa mga kasong large scale illegal recruitment at estafa.
Moira Encina