Imbentaryo ng mga kaso ng pagpatay sa mga abogado, posibleng ilabas ng DOJ sa susunod na dalawang linggo
Nagpapatuloy pa ang pag-iimbentaryo ng Department of Justice (DOJ) sa kaso ng mga pagpatay sa mga abogado sa bansa.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring sa susunod na dalawang linggo pa nila matapos ang imbentaryo.
Ayon sa kalihim, kasama sa imbentaryo ang mga pagpaslang maging sa mga dati o retiradong hukom, mahistrado, at piskal gaya ng retired Court of Appeals Justice Normandie Pizzaro.
Sakop lang ng imbentaryo ang mga abogadong pinatay sa panahon ng Duterte government.
Sa datos ng IBP, aabot na sa 54 abogado ang napatay sa bansa mula noong July 2016.
Una nang sinabi Guevarra na ang imbentaryo ay maglalaman ng mga kaso ng lawyer killings na iniimbestigahan ng NBI, sumasailalim sa preliminary investigation ng piskalya, at nililitis sa korte.
Layon anya nito na mahigpit na mabantayan ang itinatakbo ng mga pagdinig at imbestigasyon sa mga pagpaslang sa mga nasa legal profession.
Moira Encina