Imbestigasyon at kaso laban sa nagbitiw na Justice Asec Macarambon, tuloy
Patuloy ang imbestigasyon at pagsusulong ng kaso ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC laban sa nagbitiw na si Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon kaugnay sa pagkakadawit nito sa smuggling ng gold jewelries sa NAIA.
Sa isang pulong balitaan sa Maynila, sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na sa oras na ito ay matapos ay isusumite at irerekomenda naman nila ito sa Office of the Ombudsman na inaasahan nilang magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa pananagutan ni Macarambon.
Inaakusahan si Macarambon ng pagpadrino sa kanyang mga in-laws para makapagpuslit ng mga alahas.
Bukod kay Macarambon, inirekomenda rin ng PACC na mapatawan ng preventive suspension ang tatlong piskal, isang dating district collector, isang abogado mula sa Customs legal division at isang flight supervisor.
Dapat din daw pagpalawinagin ang dalawang opisyal mula sa Customs Intelligence and Investigation Service, isa pang district collector at isang abogado mula sa MIAA kung bakit hindi sila dapat madawit sa kontrobersiya.
Ayon kay Belgica, nagsagawa sila ng operasyon kamakailan sa NAIA kasama ang NBI at Bureau of Customs laban sa mga balae ni Macarambom na si Mimbalawang Bangsa-An Abdullah at asawa nito.
Tinulungan anya ni Macarambon si Abdullah noong December 2017 matapos mahuli sa NAIA na may bitbit na mahigit 15 million pesos na halaga ng alahas.
Muli anyang nahuli noong May 5 ang mag-asawang Abdullah sa NAIA, kasama si Customs Flight Supervisor Lomodot Macabando dahil sa pagpuslit ng halos dalawang kilo ng alahas na nagkakahalaga ng anim na milyong piso kasama na ang buwis.
pero pinakawalan pa raw ng piskalya sa Pasay City ang mga hinihinalang smuggler kahit huli ang mga ito sa akto.
May hinala ang PACC na matagal nang nag-ooperate ang smuggling syndicate ng mga Abdullah at gumagamit sila ng mga padrino mula sa ibat ibang tanggapan ng pamahalaan.
Ulat ni Moira Encina