Imbestigasyon ng DOJ sa Tax evasion case laban sa Rappler Holdings Corporation inaasahang tatapusin na sa susunod na buwan
Inaasahan tatapusin na ng DOJ sa susunod na buwan ang Preliminary investigation sa reklamong Tax evasion na isinampa ng BIR laban sa Rappler Holdings Corporation.
Binigyan ni Assistant State Prosecutor Zenamar Caparros ang mga respondents na sina RHC president Maria Ressa at treasurer na si James Bitanga ng hanggang Hunyo 6 para magsumite ng kanilang rejoinder affidavit.
Pagkatapos nito ay inaasahang idideklara nang submitted for resolution ang kaso.
Una nang naghain ng kontra-salaysay sina Ressa noong Mayo 7 kung saan hiniling nila na mabasura ang reklamo habang nagsumite naman ng kanilang reply affidavit ang BIR nitong Mayo 22.
Nanindigan si Ressa na walang nangyaring tax evasion o intensyon na hindi magbayad ng buwis at walang katotohanan ang alegasyon ng BIR.
Ayon pa sa abogado nito na si Eric Recalde, nagsagawa lang ng fundraising ang RHC sa pamamagitan ng pag-isyu ng Philippine Depository Receipts o PDR.
Batay sa reklamo ng BIR, hindi nagbayad ang RHC ng Income Tax and Value Added Tax nang bumili ito ng common shares mula sa Rappler Incorporated na umaabot sa 19.2 million pesos.
Nag-isyu at nagbenta rin ang RHC ng PDR sa dalawang foreign juridical entities SA KABUUANG 181.6-million pesos.
Ulat ni Moira Encina