Imbestigasyon ng Inter-Parliamentary union sa umano’y political persecution ng Duterte administration kina Senador De Lima at Trillanes, welcome sa Malakanyang
Walang problema sa Malakanyang kung magpadala ang Inter-Parliamentary Union o IPU ng official mission sa Pilipinas upang silipin ang umano’y political persecution sa mga kilalang oposisyon ng Administrasyon.
Partikular na iimbestigahan ng IPU ang umanoy political persecution ng Duterte administration kina senador Leila de Lima and Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo walang problema kung mag-iimbestiga ang IPU na nakabase sa Geneva, Switzerland basta’t maging bukas lang ang mga ito sa mga dokumento o ebidensiya kontra sa dalawang opposition Senators na ngayon ay nasa hukuman na ang kanilang kaso.
Sinabi ni Panelo lalabas na useless o wala nang anomang kabuluhan pa ang gagawing pagsisiyasat ng IPU kung sa ngayon pa lang ay may konklusyon na ang grupo.
Inihayag ni Panelo lalabas na sarado na ang pag-iisip ng IPU kung hindi ibabatay sa mga documentary evidence ang gagawing pag-iimbestiga ng IPU sa sinasabing political persecution kina de Lima at Trillanes.
Dalawang resolusyon ang inilabas ng IPU noong nakaraang Huwebes na sumesentro hinggil sa umano’y human rights violations at political persecution laban sa dalawang kritiko ng kasalukuyang Administrasyon.
Ulat ni Vic Somintac