Imbestigasyon ng Kamara at Senado sa isyu ng Chinese students sa Cagayan, tinawag na racism ni Teresita Ang See
Pumalag si Teresita Ang See sa ikinakasang imbestigasyon ng Kamara at Senado, sa isyu ng pagdagsa ng Chinese nationals sa Cagayan para mag-aral.
Tinawag pa nitong racism ang mga pahayag na kumukondena sa mga Chinese.
Para sa kaniya, sinasakyan lang mga pulitiko ang isyu.
Ayon kay Teresita Ang See, “The past days’ preoccupation with deliberate fanning of sinophobia and racism by politicians and media spreading baseless whodunits of ‘srudents as spies’ is dangerous and unfortunate.”
Aniya, “Politicians, opinion makers, our military, and police scramble to ride on the issue without checking the facts.”
Pero para kay Senador Jinggoy Estrada, hindi mai-aalis ang pagdududa sa tunay na pakay ng mga Chinese sa Pilipinas.
Sa rami kasi aniya ng eskuwelahan sa Pilipinas, bakit sa Cagayan nila piniling mag-aral kung saan malapit sa EDCA sites o mga pinagdarausan ng balkatan exercises.
Sinabi ni Sen. Estrada, “Marami namang foreign students ang pumupunta rito sa atin para mag-aral. Hindi lamang yung Chinese nationals. Maraming mga Koreano nag-aaral din dito sa ating bansa. Pero kung ang dami o pagdagsa nila sa isa o piling lugar lamang, may rason para mabahala tayo o magtanong kung bakit sa isang lugar lang. Dahil marami naman tayo yung universities or colleges na dekalidad sa iba’t ibang panig ng ating bansa. Bakit sa Cagayan ang concentration ng dumarayong Chinese students kung saan may dalawang EDCA sites tayo. Kaya ang tanong lang, nagkataon lamang ba ito?
Tanong ng senador, bakit magbabayad ng napakamahal ang mga dayuhan na aabot pa sa dalawang milyong piso kung pagkuha lang ng diploma ang kanilang pakay.
Iginiit ni Estrada na hindi ito usapin ng racism at edukasyon dahil ang nakasalalay dito ay ang seguridad ng mga Pilipino.
Ayon sa senador, “Ang dapat manaig dito yung interes ng ating bansa, at nakababahala na rin yung maraming isyu na naglalabasan gaya ng mga degree for sale, retiree visas, at pagbibigay ng mga government issued ID sa Chinese nationals. Ito dapat pagtuunan ito ng pansin at imbestigahan ng mga kinauukulan, maging ang senado siguro kung kinakailangan.”
Photo: Senate of the Philippines
Iginiit naman ni Senador Francis Tolentino ang imbestigasyon para malaman kung sinasadya ba ito ng China.
Sabi ng senador, hindi niya idinidepensa ang mga Chinese pero pinalalakas aniya ng Pilipinas ang educational system at nanghihikayat ng mga dayuhan na mag-aral sa mga eskuwelahan sa Pilipinas, pero bakit ngayong maraming Chinese ay pinagdududahan.
Magandang pagkakataon din ang imbestigasyon para malaman kung may Chinese students din ba na nag-enroll sa Palawan malapit sa West Philippine Sea.
Sa susunod na linggo pa sa pagbabalik ng sesyon inaasahang magpapatawag ng pagdinig ang komite ni Senador Francis Escudero, oras na mai-refer ang mga resolusyon hinggil dito.
Meanne Corvera