Imbestigasyon ng Kamara sa Resorts World Manila incident, itinakda sa Hunyo 7
Sa Hunyo 7, Miyerkules ay pangungunahan ng House Committees on Games and Amusement at Public Order and Safety ang imbestigasyon sa nangyaring insidente sa Resorts World Manila na ikinamatay ng 38 katao.
Gagawin ang imbestigasyon sa conference hall ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 3 na malapit lamang sa Resorts World Manila.
Ayon kay House Committee on Games and Amusement Chairman Gus Tambunting, kabilang sa kanilang iimbestigahan kung paano nakapasok ang isang armadong lalaki sa casino na may dala pang gasolina at mga baril.
Sinabi naman ni Quezon City 2nd District Representative Winston Castelo na tututukan din nila ang pagkukulang sa security sa nasabing establisimyento at mga security officers na nagbabantay noong umatake ang gunman na si Jessie Carlos.
Aalamin din sa pagdinig kung bakit hindi gumana ang smoke detector at sprinkle system ng gusali ganundin at ang mga nakasarang fire exits na naging dahilan kung bakit na-trap ang mga biktima.