Imbestigasyon ng NBI sa pagkamatay ni Christine Dacera, patuloy
Hindi minamadali ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hiwalay na imbestigasyon nito sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa harap ng pag-arangkada ng pagdinig ng piskalya sa reklamong rape with homicide laban sa mga kasama ni Dacera bago ito namatay noong Bagong Taon.
Ayon kay Guevarra, nais ng NBI na ma-cover ang lahat ng anggulo sa imbestigasyon nito sa pagkamatay ng 23-anyos na dalaga.
Kampante naman ang kalihim na maisusumite ng NBI ang pinal na report nito bago matapos ng piskalya ang preliminary investigation at maresolba ang kaso.
Tiniyak ni Guevarra na sa oras na matanggap ng DOJ ang ulat ng NBI ay agad niya itong ipadadala sa Makati Prosecutor’s Office na nagsasagawa ng pagdinig sa kaso.
Una nang sinabi ng NBI na nagpapatuloy pa ang DNA test nila sa kaso ni Dacera.
Noong nakaraang linggo ay isinumite ng PNP sa piskalya ang kopya ng medico-legal report nito na nagsasabing namatay si Dacera sa ruptured aortic aneurysm at hindi dahil sa homicide.
Iginiit naman ng pamilya ni Dacera na mayroong foul play sa pagkamatay nito at sinabing hihintayin nila ang report ng NBI.
Moira Encina