Imbestigasyon ng Senado sa hakbang na mag-import galunggong at iba pang isda , umarangkada na
Umarangkada na ang imbestigasyon ng Senado sa hakbang ng Department of Agriculture na mag import ng 60-libong metriko tonelada ng galunggong at iba pang isda ngayong unang quarter ng taon.
Sa pagdinig, nasabon ang mga opisyal ng Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nauna nang nagsabi na kailangang mag- import dahil nasira ang maraming palaisdaan nang humagupit ang Bagyong Odette noong Disyembre 2021.
Sinita ni Senator Imee Marcos ang D-A dahil hindi pinakinggan ang klarong rekumendasyon ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council o N-FARM-C na huwag nang mag-import noong 2021 at ngayong taon dahil sapat ang lokal na suplay ng isda.
Rekumendasyon daw ng N-farm-C na paigsiin ang closed fishing season at tumulong ang gobyerno sa pagluluwas sa Metro manila ng isda mula sa mga lalawigan na maraming huling isda.
Nagalit rin si Senator Cynthia Villar nang sitahin ang D-A kung bakit daw nakinig sa rekumendasyon ng BFAR na mag-import ng isda sa halip na nakinig sa N-FARM-C .
Kinuwestyon rin ng Senador bakit inagahan ang pagtatapos ng closed fishing season na dati na niyang sinasabi.
Tanong niya bakit importasyon lagi ang solusyon kapag may problema.
Meanne Corvera