Imbestigasyon ng Senado sa isyu ng pondo sa paglaban sa Covid-19, malaking circus at abala – Malakanyang
Itinuturing ng Malakanyang na malaking circus at abala ang ginagawang imbestigasyon ng Senado sa paggastos ng pamahalaan sa pondo na ginagamit laban sa COVID-19 dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng Covid-19 sa bansa.
Sa statement na inilabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea, hindi nakakatulong ang ginagawa ng mga mambabatas dahil sa halip na nagtatrabaho ang mga opisyal ng pamahalaan sa pagharap sa kaso ng COVID-19, nagiging abala ang mga ito sa pagsagot sa tanong ng mga Senador na wala namang napapatunayan na anomalya kundi binubully lamang ang mga resource person.
Sinabi ni Medialdea sa halip na magsagawa ng inbestigasyon ang mga mambabatas, magsampa na lamang ng kaukulang kaso para makapagharap ng ebidensiya sa mga sinasabing anomalya sa paggastos sa pondo ng gobyerno na ginagamit sa pagharap sa kaso ng COVID 19.
Ayon kay Medialdea wala ng dapat ipaliwanag ang Malakanyang sa isyu ng pondo ng paglaban sa COVID-19 dahil regular na nagsusumite ng weekly report ang Office of the President sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso batay sa hinihingi ng Bayanihan 1 and 2 Law na ginawa mismo ng mga mambabatas para mabantayan ang paggastos sa pondo na ginagamit sa paglaban sa Pandemya.
Inihayag ni Medialdea, mukhang hindi binabasa ng mga mambabatas ang weekly report ng Malakanyang kaugnay ng paggastos sa pondo laban sa COVID 19 Pandemic.
Niliwanag ni Medialdea huwag sanang aksayahin ng mga mambabatas ang oras at resources ng gobyerno sa pagsasagawa ng inbestigasyon habang patuloy na tinatamaan ng COVID-19 at nangamamatay ang maraming mamamayan.
Vic Somintac