Imbestigasyon ng Senado sa umano’y anomalya sa pagbili ng laptop ng DepEd, ipinagpapatuloy
Ipinagpapatuloy ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee ang umano’y anomalya sa pagbili ng laptop ng Procurement service ng Department of Budget and Management o PS- DBM para sa Department of Education.
Sa simula ng pagdinig, inianunsyo ni Senador Francis Tolentino na ibinasura ng komite ang hiling ni dating PS-DBM Head Lloyd Christopher Lao na maisyuhan siya ng certification para bawiin na ng Bureau of Immigration ang inisyung look out bulletin laban sa kanya.
Si Lao ay inisyuhan ng Immigration Look out bulletin Order, batay sa request ng Blue Ribbon Committee noong nakaraang Kongreso dahil sa pagkakasangkot nito sa sinasabing anomalya sa pagbili ng medical supplies.
Ayon kay Tolentino, sampung Senador ang bumoto pabor na ma -deny ang request ni Lao, limang Senador ang bumoto pabor habang dalawa ang nag-abstain.
Inatasan na ang Committee Secretariat na sumulat sa Department of Justice para ipaalam ang desisyon ng Senado.
Sa ilalim ng Immigration Look out bulletin sinumang respondents na magtatangkang lumabas ng bansa kailangang ipaalam muna sa Office of the Secretary ng DOJ at Office of the Prosecutor general.
Si Lao ay iniuugnay rin sa maanomalyang laptop transaction.
Meanne Corvera