Imbestigasyon sa alegasyon ng sex trafficking sa POGO, isinasagawa sa Senado
Ipinagpapatuloy ngayon ng Senate Committee on Women at Family relations ang alegasyon ng Sex trafficking sa Philippine offshore gaming industry.
Nauna nang iniharap sa Senado noong nakaraang linggo ang isang Chinese worker sa pogo na ibinebenta sa online sex.
Sa pagdinig ngayong araw, ipinakita ni Senador Risa Hontiveros ang kopya ng video kung saan hiwalay na ipini proseso ng mga Immigration officials sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pagpasok sa bansa ng mga turista ng Chinese nationals.
Sa video makikita na ineskortan pa ng mga Immigration officials ang mga Chinese na parang mga VIP.
Ipinakita rin ni Hontiveros ang screen shot ng isang viber group kung saan nakasulat ang mga pangalan at larawan ng mga Chinese nationals na bibigyan ng VIP treatment kasama na ang kanilang flight details.
Tila ginawa na aniyang welcoming committee ang mga Immigration officials and employees para sa mga Chinese POGO workers.
Kapalit nito ang halaga na ibinibigay sa mga taga-Immigration na itinulad ni Hontiveros sa isang pastillas dahil ibinibilot ang pera bago ilagay sa isang bond paper.
Sabi ni Hontiveros, ayon sa kaniyang impormante, ang mga Chinese na pumapasok at nag-aaplay ng visa, nagbabayad ng 10,000 pisong service fee para sigurado ng makakapasok sa bansa.
Dalawang libo rito ay pinaghahatian nsa Airport habang ang 8,000 pesos ay napupunta sa Chinese tour operators, Local tour at sindikatong magda-downstream sa airport.
Kung pagbabatayan aniya ang records, umaabot sa 2,000 ang mga Chinese na pumapasok sa bansa kada araw.
Kung lahat ng ito nagbigay ng service fee, aabot na sa isang bilyong piso ang nakolekta kung saan 200 million pesos na ang napunta sa mga Immigration airport operators.
Ulat ni Meanne Corvera