Imbestigasyon sa kontrobersiyal na Sugar Order No. 4 , tinapos na ng Kamara
Isinara na ng House Committees on Good Government and Public Accountability at Agriculture and Food ang imbestigasyon kaugnay sa Sugar Order Number 4 ng Sugar Regulatory Administration o SRA.
Ang imbestigasyon na ginawa ng Kamara ay batay sa House Resolution 259 na inihain ni Minority Leader Marcelino Libanan para silipin ang mga isyu sa Sugar Order Number 4 na nagbibigay karapatan para sa pag-aangkat sana ng bansa ng 300, 000 metric tons ng asukal.
Ayon kay Congresswoman Rida Robes Chairman ng House Committee on Good Government lumabas sa isinagawa nilang imbestigasyon na wala talagang otorisasyon mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siyang namumuno sa Department of Agriculture ang naturang pag-aangkat ng asukal.
Sinabi naman ni Congressman Mark Enverga Chairman ng House Committe on Agriculture and Food na ibabase pa rin ng Kamara ang kanilang rekomendasyon batay sa kung ano ang lumabas sa kanilang sariling inbestigasyon.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na kasuhan sina Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian at dating Sugar Regulatory Administration Administrator Hermenegildo Serafica.
Inihayag nina Congresswoman Robes at Congressman Enverga na sa susunod na linggo ilalabas ang Joint Committee Report sa kontrobersiyal na Sugar Order Number 4.
Vic Somintac