Imbestigasyon sa mga cybercrime cases, pinamamadali sa NBI
Inatasan ni NBI OIC-Director Eric Distor ang cyber-investigators na madaliin ang pag-iimbestiga sa mga kaso ng cybercrime na inihain sa kawanihan.
Ipinagutos din ni Distor sa directoral staff at mga imbestigador na makipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas at iba pang government financial institutions kung papaano mapalalakas ang sistema at polisiya ng mga bangko laban sa mga cyber attacks.
Tiniyak ng liderato ng NBI na hindi titigil ang NBI hanggang sa makulong ang mga kriminal na nasa likod ng mga hacking at maibalik ang mga ninakaw ng mga ito.
Kaugnay nito, inihayag ni Distor na magsasagawa at pangungunahan ng NBI ang Cyber Crime and Digital Forensic Summit sa ikalawang quarter ng taon.
Makikipagtulungan ang NBI sa DOJ at DICT para sa pagdaraos ng summit.
Kabilang sa mga iimbitahan sa summit ang mga IT professionals at practitioners.
Sinabi ng opisyal na kailangan ng malakas at solidong kooperasyon ng pribadong sektor at gobyerno upang malabanan ang cybercrime.
Una rito ay nadakip na ng NBI ang lima sa mga salarin na nasa likod ng BDO hacking noong nakaraang Disyembre.
May natukoy pa ang kawanihan ng 30 pang indibiduwal na ipapatawag para magbigay liwanag sa insidente.
Moira Encina