Imbestigasyon sa misencounter sa Samar, dapat tumutok sa magiging hakbang ng PNP at AFP para hindi maulit ang mga kaparehong insidente
Kinondena ni Senador Panfilo Lacson ang nangyaring engwentro sa Sta. Rita Samar na ikinamatay ng anim na pulis at ikinasugat ng siyam na iba.
Ayon kay Lacson, paulit-ulit na nangyayari ang ganitong insidente dahil sa kawalan ng koordinasyon at komunikasyon sa pagitan ng mga sundalo at pulis.
Tila nasasayang aniya ang pondo ng gobyerno para sa recruitment at training lalo na ng PNP dahil sa madalas na kaso ng mga misencounter.
Umaapila si Lacson sa binuong joint investigation team na tutukan ang mga hakbang para makaiwas sa mga kaparehong insidente lalo na sa mga lugar kung saan parehong nag-ooperate ang PNP at AFP laban sa mga rebelde.
Ulat ni Meanne Corvera