Imbestigasyon sa ‘war on drugs’ sa Pilipinas, inaprubahan na ng ICC
Pinahintulutan na ng International Criminal Court (ICC), na imbestigahan ang “war on drugs” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas, sa pagsasabing nakakatulad ito ng isang ilegal at sistematikong pag-atake sa mga sibilyan.
Ayon sa mga hukom ng ICC . . . “The so-called ‘war on drugs’ campaign cannot be seen as a legitimate law enforcement operation, and the killings neither as legitimate nor as mere excesses in an otherwise legitimate operation.”
Batay pa sa pahayag ng ICC judges . . . “Evidence suggested that a ‘widespread and systematic attack against the civilian population’ took place pursuant to or in furtherance of a state policy.”
June 2021 nang hilingin ni dating ICC chief prosecutor Fatou Bensouda sa mga hukom na pahintulutan na ang isang ‘full blown’ investigation sa mga alegasyon ng labag sa batas na pagpatay ng pulisya sa libu-libong mga sibilyan.
Ang naturang kaso ay nasa kamay na ngayon ng kaniyang successor na si Karim Khan.
Ang drugs crackdown ang signature policy initiative ni Duterte, at mahigpit niya itong ipinagtatanggol laluna sa mga kritiko gaya ng western leaders at western institutions na aniya’y wala namang pakialam sa Pilipinas.
Batay sa huling official data na inilabas ng Pilipinas sa huling bahagi ng July ngayong taon, hindi bababa sa 6,181 katao ang namatay sa higit 200,000 anti-drug operations na isinagawa mula July 2016.
Sa pagtaya namam ng ICC prosecutors, ang mga namatay ay nasa pagitan ng 12,000 hanggang 30,000 mga sibilyan.
Ayon sa mga prosecutor, hindi itinatanggi ng gobyerno na may mga namatay sa panahon ng police operations, subalit lagi itong pinangangatwiranan na resulta ng pagtatanggol sa sarili ng mga pulis.
Matatandaan na tumiwalag ang Pilipinas mula sa ICC, matapos itong maglunsad ng preliminary investigation sa drugs crackdown ng Duterte administration.
Subalit ayon sa judges, kahit tumiwalag na ang Pilipinas bilang isang state party, ang umano’y mga krimen ay nangyari habang ang bansa ay miembro pa ng Rome Statute ng ICC, kayat maaari pa rin nila itong imbestigahan.
Sasaklawin din ng ICC investigation ang umano’y extta-judicial killings sa southern Davao region sa pagitan ng 2011 at 2016, noong alkalde pa lamang si Duterte na umano’y ginawa ng local police officers at vigilantes, kabilang na ang isang grupo na tinatawag na “Davao Death Squad.”
Ayon sa ICC prosecutors . . . “Persons involved in these killings in some cases appear to (be) the very same people that were later involved in the ‘war on drugs’ campaign.”
Paulit-ulit namang inaangkin ng pangulo, na ang ICC ay walang hurisdiksiyon sa kaniya at hindi niya ibibigay ang kaniyang kooperasyon sa aniya’y “illegal” investigation, at minsan pa ngang nagbanta na kaniyang ipa-aaresto si Bensouda.
Subalit malugod namang tinanggap ng rights group ang hakbang sa pagsasabing, ang desisyon ng ICC ay daan para sa kinakailangang pagsisiyasat sa “deadly war on drugs” ni Duterte.
Ayon sa Human Rights Watch researcher na si Carlos Conde . . . “Victim’s families and survivors have reason to hope that those responsible for crimes against humanity could finally face justice.”