Immigration bureau, maglulunsad ng ACR I-Card checking system sa mga pangunahing airports at seaports
Malapit nang ilunsad ng Bureau of Immigration ang isang ACR I-Card checking system para sa mga dayuhang pasahero, para sila ay mas madaling makapasok at makalabas ng bansa.
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente, na ang kanilang automated travel control system ay isasama sa database ng issued alien certification of registration identity cards (ACR I-Cards), at magkakaroon ng pilot-testing sa Ninoy Aquino International Airport terminal 3 bago ang inaasahang pagpapatupad nito sa lahat ng pangunahing airports at seaports sa bansa sa Setyembre.
Ayon kay Morente . . . “Sa pamamagitan ng proyektong ito, mababawasan ang panahong gugugulin ng mga opisyal sa airports sa pagproseso sa mga dayuhang pasahero, at maibibigay din ang katiyakan na magkakaroon ang mga ito ng ‘hassle-free experience’ sa pagbiyahe papasok at palabas ng bansa.”
Ayon naman kay Jose Carlitos Licas, Alien Registration Division Chief ng kagawaran. . . “Sa pamamagitan ng naturang sistema ay agad na matutukoy ng immigration officer ang immigration status ng mga pasahero, at kung valid pa ang kanilang ACR I-Card at kung may valid silang emigration clearance certificate (ECC) at re-entry permit (RP) o special return certificate (SRC).”
Dagdag pa ni Licas makikita rin ang official receipt numbers ng halagang binayaran para sa nabanggit na travel documents.
Ayon kay Morente, isa lamang ito sa technological advancements na isinusulong para ma-improve pa ang kagawaran.