Immigration bureau nagpaalalang wala nang extension ang March 1 deadline para sa mandatory filing ng annual reports ng foreign nationals

Photo: Bureau of Immigration Facebook page

Nagpaalala ang Bureau of Immigration, na ang deadline para sa mandatory filing of annual reports ng foreign nationals ngayong taon ay hindi na palalawigin.

Sa isang pahayag, sinabi ng kawanihan na mayroon lamang hanggang March 1 ang mga kinauukulan para i-file ang kanilang 2022 report, bilang pagsunod sa Alien Registration Act.

Ayon sa batas, ang bureau-registered aliens ay dapat mag-report ng personal sa kawanihan sa loob ng 60 araw ng bawat taon.

Kaugnay nito ay hinimok ng Immigration bureau ang mga foreign national na hindi pa nakapagpa-file ng kanilang annual report, na magpareserba na ng kanilang slot sa pamamagitan ng online appointment system ng kawanihan (http://e-services.immigration.gov.ph).

Exempted naman sa personal na pagre-report sa kawanihan ang foreign nationals na edad 14 pababa, at yaong mga edad 65 pataas. Maging ang mga buntis, persons with disabilities o PWDs, at yaong walang kakayahang pisikal at mental.

Ang mga ito ay maaaring mag-file ng annual report sa pamamagitan ng kanilang authorized representative o sinumang bureau-accredited liaison officer.

Ang mga foreign national na kailangan ng personal appearance, ay maaaring mag-file ng kanilang annual report sa main office ng kawanihan sa Intramuros o sa field, district, satellite at extension offices nito.

Ayon sa Immigration bureau, kailangang i-prisinta ng mga ito ang kanilang original Alien Certificate of Registration Identity Card (ACR I-Card) at valid passport.

Sinabi ni Immigration chief Jaime Morente, na sinumang mabibigong mag-file ng annual reports ay maaaring patawan ng sanctions, kabilang na ang multa.

Please follow and like us: