Immigration nagbabala sa modus ng mga con artist
Nagbabala ang Bureau of Immigration sa muling paglutang ng mga dati ng modus ng mga con artist para makapang-biktima ng mga Pinoy.
Ayon sa BI, nakatanggap sila ng report na may isang diumano’y Australian na itinago sa pangalang Victoria ang nagpanggap na idinetine sa Clark International Airport dahil sa pag-smuggle ng gold bars.
Nagpadala pa ito ng larawan ng pekeng liham na pirmado umano ni Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Sa liham nakasaad na kailangang magbayad ni Victoria ng US$4,000 para sa ownership certificate ng dala nitong gold bars.
Babala ng BI sa publiko mag-ingat sa mga ganitong modus.
Hindi aniya awtorisadong tumanggap ng pera sa pamamagitan ng wire transfer ang mga BI personnel para sa anumang immigration processes.
Madelyn Moratillo