Immigration procedures sa pasahero na papuntang abroad, inaamyendahan ng DOJ
Nasa proseso na ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa pagrebisa ng immigration procedures para sa mga pasahero na palabas ng Pilipinas.
Ginawa ng Department of Justice (DOJ) ang pahayag kasunod ng mga reklamo ng pag-abuso ng ilang immigration personnel na nagpapatupad ng Departure Formalities.
Ayon sa DOJ, nire-rebisa ang mga panuntunan para sumalamin sa mga kasalukuyang kaganapan at matakpan ang mga butas.
Nakikipag-unayan na rin ang kagawaran sa Bureau of Immigration (BI) at iba pang stakeholders para mabawasan ang abala na dulot ng mga patakaran sa mga biyahero.
Sinabi ng DOJ na iniimbestigahan na ng BI ang mga umabusong tauhan nito.
Tiniyak din ng kagawaran na hindi nila hahayaan ang mga abusadong paguugali at ito ay karampatang aaksyunan.
Ipinaliwanag naman ng DOJ na ang mahigpit na pagpapatupad ng Departure Formalities ay parte ng legal na mandato ng BI bilang miyembro ng IACAT para masugpo ang human trafficking.
Moira Encina