Immunity ng bakuna kontra COVID-19 humihina na ayon sa DOH
Aminado ang Department of Health na humihina na ang immunity na naibibigay ng COVID-19 vaccine.
Kaya naman apila ni DOH OIC Ma Rosario Vergeire sa publiko, magpabooster na.
Ayon kay Vergeire, humihina na ang epekto ng bakuna.
Sinabi ni Vergeire na halos 50 porsyento ng severe cases ng COVID-19 ngayon ay mga bakunado.
Malayo sa dati na 70 hanggang 80 percent ng severe cases na mga hindi bakunado.
Sa ginawang survey ng DOH, ilan aniya sa nakitang dahilan ng pagbaba ng bilang ng nagpapabakuna ay dahil naging kumpiyansa na sila sa primary series ng bakuna.
Habang ang ibang nakatatanda naman natatakot daw na baka magkaroon ng epekto sa kanilang kalusugan at ang iba hindi na daw kasi kailangan sa kanilang trabaho.
Sa kabila naman ng pagbaba ng bagong kaso ng COVID-19 sa bansa sinabi ni Vergeire na nananatili pa rin ang kanilang projection na 6 hanggang 9 na libong arawang kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng Setyembre.
Para mapalakas pa ang bakunahan sa bansa plano ng DOH na maglunsad ng isang linggong special vaccination ngayong Setyembre.
Nakikipag-ugnayan na rin daw sila sa mga LGU at kanilang regional offices para mailatag ang plano.
Madelyn Villar- Moratillo