Implementasyon ng health protocol, hihigpitan pa ng gobyerno matapos makumpirma ang unang kaso ng Lambda variant ng Covid-19 sa bansa
Hihigpitan pa ng pamahalaan ang pagpapatupad ng health protocols laban sa ibat-ibang variant ng COVID 19.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Health o DOH na nakapasok na sa bansa ang Lambda variant ng COVID 19 na unang naitala sa bansang Peru.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque hindi na babaguhin ng pamahalaan ang istratehiya sa pagsugpo sa Pandemya ng COVID 19 bagkus ay paiigtingin lamang ang implementasyon ng health protocols.
Sinabi ni Roque oobligahin ang publiko sa pagsusuot ng facemask, face shield, palaging paghuhugas ng kamay at physical distancing.
Inihayag ni Roque paiigtingin din ng pamahalaan ang malawakang pagbabakuna kontra COVID 19 sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa record ng DOH isang 35 anyos na babae ang nagpositibo sa Lambda variant ng COVID 19 batay sa resulta ng genome sequencing ng Philippine Genome Center pero gumaling na ito at nagsasagawa na ng contact tracing.
Vic Somintac