Implementasyon ng PUV modernization, pinaiimbestigahan ng isang Senador
Pinaiimbestigahan na ni Senador Imee Marcos ang implementasyon ng modernization program ng mga Public Utility Vehicle (PUV).
Sa Senate Resolution 893 ni Marcos, sinabi ng mambabatas na dapat tignan kung tama ba na tuluyan nang i-phase out sa mga lansangan ang mga traditional jeepney.
Iginiit ni Marcos na hindi kakayanin ng bansa na magkaroon ng transportation crisis, lalo na’t bumabangon pa lang tayo mula sa epekto ng pandemya.
Dapat aniyang ikonsidera ang mga kritisismo at pangamba ng iba’t-ibang transport groups sa PUV modernization program.
Kabilang na rito ang hinaing ng ilang traditional jeepney driver na nahihirapang makasunod sa consolidation requirements gaya ng mga dokumento, membership fees sa mga kooperatiba, pondo para sa stocks sa korporasyon at iba pa. Una nang binatikos ng mga Senador ang modernisasyon lalo na ang mga imported na sasakyan na planong ipalit ng Department of Transportation (DOTR) na aangkatin sa ibang bansa sa halip na tangkilikin ang mga tatak Pinoy.
Meanne Corvera