Importer ng basura galing Canada, kakasuhan ng gobyerno ayon sa DOJ
Sasampahan ng pamahalaan ng kasong kriminal ang mga pribadong importers ng mga basura galing sa Canada.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa harap ng nakatakdang pagbalik ng basura sa Canada mamayang hapon.
Sinabi rin ni Guevarra na tinutugis na ng mga pulis ang isa sa mga importers.
Ayon sa kalihim, mula sa Maynila ang barkong magbabalik ng mga basura sa Canada ay magkakaroon ng stop over sa pantalan ng China at nagbigay na ng clearance ang Chinese government sa transshipment.
Mula sa China ay magbibiyahe na ang barko papunta sa Vancouver.
Tiniyak ni Guevarra ang gobyerno ng Canada ang sasagot sa freight cost ng reshipment ng basura na nagkakahalaga ng 10 milyong piso.
Ipapasagot naman ng gobyerno sa Philippine importers ang storage fees, demurrage, at iba pang land charges sa basura.
Ala una y medya mamayang hapon darating sa Subic ang barko na pagsasakyan ng animnaput siyam na container vans ng basura at alas tres naman ng hapon aalis.
Ulat ni Moira Encina