Importer ng VESPA scooters at broker nito, sinampahan ng reklamong Smuggling sa DOJ ng Bureau of Customs
Ipinagharap ng reklamong Smuggling ng Bureau of Customs sa Department of Justice ang importer at broker ng Vespa Scooters dahil sa gross undervaluation.
Partikular na kinasuhan ang may-ari ng Granstar premiere sports corporation na si Fabian A. Go at ang Customs broker nito na si Norinel O. Quezana.
Ang kaso ay kaugnay sa inangkat ng Granstar na 112 units ng brand new Vespa scooters na mula Singapore at dumating sa Subic Bay freeport noon pang January 22, 2014.
Ayon sa reklamo ng BOC-Bureau’s action team against Smugglers o batas, ang nakadeklarang halaga ng nasabing shipment kabilang ang duties at buwis nito ay nasa 3.65 milyong piso lamang.
Pero batay sa halaga na ibinigay ng Import assessment service, ang actual duties at taxes ng shipment ay 28.3 million pesos o 87 percent na discrepancy.
Sinabi pa ng Customs Intelligence and Investigation service, ang 2.5 million pesos o nasa 50,400 dollars na total declared value ng mga ito ay mababa kumpara sa mahigit 3400 dollars per unit na aktuwal na halaga ng scooters.
Mga kasong undervaluation, unlawful importation at iba pang paglabag sa ilalim ng Tariff and Customs code at Falsification sa ilalim ng Article 172 ng Revised penal code ang isinampa ng BOC laban sa Granstar at Broker.
Ulat ni Moira Encina