Inaasahang pagdating sa bansa ng 4 million doses ng Covid vaccine, hindi matutuloy ngayong Abril
Inamin ng Malakanyang na malabong makakuha ang Pilipinas ng 4 na milyong doses ng anti COVID 19 vaccine ngayong Abril.
Sinabi ni National Task Force Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na sa halip na 4 na milyong doses, 2 milyong doses lamang ng anti COVID 19 vaccine ang darating sa bansa ngayong buwan.
Ayon kay Galvez 1.5 milyong doses lamang ng Sinovac mula sa China at 500 thousand doses ng Gamaleya ng Russia ang siguradong darating ngayong Abril dahil ang 900,000 doses ng AstraZeneca na mula sa COVAX Facility ng World Health Organization ay walang supply na makuha mula sa mga malalaking bansa sa Europa at India.
Inihayag ni Galvez na magkakaroon ng adjustment ang timeline ng Pilipinas sa rollout ng anti COVID 19 vaccine dahil pahirapan ang pagkuha ng suplay dahil ito ay kontrolado ng mga malalaking bansa tulad ng Amerika, China, India at United Kingdom.
Naniniwala si Galvez na magkakaroon ng kaluwagan sa suplay ng anti-COVID 19 vaccine kapag natapos ng magbakuna ang mga mayayamang bansa.
Niliwanag ni Galvez na ikukunsidera ng pamahalaan ang rekomendasyon ng mga eksperto na sa Metro Manila, Cebu City at Davao City gamitin ang mga darating na bakuna dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng COVID 19 sa mga nabanggit na lugar.
Vic Somintac