Indemnification Bill, sinertipikahang urgent ni PRRD
Sinertipikahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte na urgent ang Indemnification Bill na nakabinbin sa dalawang kapulungan ng Kongreso at naglabas na rin ng Memorandum Order para payagan ang mga Local Governmet Units (LGUs) na magbayad ng 50% advance payment sa bibilhing anti COVID-19 vaccine.
Ito ang inihayag ni National Task Force o NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez sa regular virtual press briefing sa Malakanyang.
Ayon kay Galvez mahalaga ang Presidential certification bilang urgent sa Indemnification Bill para mapabilis ang pagpapatibay dito dahil kailangan ito para maideliber na sa bansa ang Pfizer anti COVID 19 vaccine na mula sa COVAX Facility ng World Health Organization o WHO.
Sinabi ni Galvez ang kawalan ng Indemnification Law ng bansa ang dahilan kaya nabalam ang pagdating ng bakuna na mula sa COVAX Facility ng WHO ngayong buwan ng Pebrero sa kabila na mayroon ng Indemnification Agreeent sa pagitan ng Pilipinas at mga manufacturer.
Kaugnay nito ipinagpasalamat din ni Galvez ang pagpirma ng Pangulo ng Memorandum Order na nagpapahintulot sa mga LGU na makapagbayad ng 50% advance payment sa mga bibilhing anti COVID 19 vaccine sa pamamagitan ng Tripartite Agreement na gagamitin sa kanilang nasasakupan.
Niliwanag ni Galvez na nagkaroon ng problema ang negosasyon ng mga LGU’S sa pagbili ng bakuna dahil ang dating patakaran ng bansa ay 15% advance payment lamang subalit ang requirment ng mga multinational drug manufacturer ay 50 percent advance payment.
Vic Somintac