India, nakapagbakuna ng sampung milyon sa loob ng isang araw
NEW DELHI, India (AFP) – Sa kauna-unahang pagkakataon, nakapagbakuna ang India ng lampas sa 10 milyon sa loob lamang ng isang araw.
Ayon sa health ministry, nangyari ito kahapon (Biyernes) kung saan nalampasan nito ang dating record na 9.2 million kada araw.
Ayon kay Prime Minister Narendra Modi, ang naturang milestone ay isang “momentous feat” para sa India, na may 1.3 bilyong populasyon.
Aniya . . . “Kudos to those getting vaccinated and those making the vaccination drive a success.”
Target ng gobyerno na mabakunahan ang 1.1 bilyong adults sa pagtatapos ng taon, subalit ang mga pag-aalinlangan, kalituhan, kakulangan sa suplay ng bakuna ang dahilan ng kaunting bilang ng mga nagpapabakuna.
Halos nasa 15% lamang ang nakakumpleto na ng 2 doses mula nang mag-umpisa ang vaccination drive noong Enero.
Sa kasalukuyan, tatlong bakuna ang ibinibigay ng India. Ang Oxford-AstraZeneca na kilala sa India sa tawag na CoviShield, Covaxin na gawa ng Indian firm na Bharat Biotech at ang Russian made na Sputnik V.
Ang India ay nakapagtala na ng 437,370 na mga namatay dahil sa COVID-19, at higit 32 million infections, pangalawang pinakamataas sa buong mundo sunod sa Estados Unidos.
Agence France-Presse