Indian medics tumangging ihinto ang kanilang protesta kaugnay ng panghahalay at pagpatay sa isang doktor
Libu-libong Indian junior doctors ang tumangging tapusin na ang kanilang protesta, kaugnay nang nangyaring panghahalay at pagpatay sa kapwa nila doktor, sanhi upang magambala ang pagbibigay serbisyo ng mga ospital halos isang linggo na simula nang umpisahan nila ang isang nation-wide action kung saan hinihingi nila ang isang mas ligtas na lugar para sa paggawa at mabilis na criminal action.
Ang mga doktor sa buong bansa ay nagsagawa ng mga protesta at tumangging tumanggap ng non-emergency patients kasunod nang nangyari sa 31-anyos na medic noong August 9, na ayon sa pulisya ay ginahasa at pinatay sa isang ospital sa silangang lungsod ng Kolkata kung saan siya ay trainee.
Isang police volunteer ang inaresto at kinasuhan sa krimen.
Sinabi ng mga babaeng aktibista na dahil sa insidente ay na-highlight kung paanong ang mga kababaihan sa India ay patuloy na nagdurusa sa sekswal na karahasan, sa kabila ng mas mahihigpit na batas na ipinatupad pagkatapos ng 2012 gang-rape at pagpatay sa isang 23-anyos na estudyante sa isang umaandar na bus sa New Delhi.
Hinimok ng gobyerno ang mga doktor na bumalik na sa kanilang trabaho, habang bumubuo ito ng isang komite upang magmungkahi ng mga hakbang para mapabuti ang proteksyon sa health care professionals.
Sinabi ni Dr. Aniket Mahata, isang tagapagsalita para sa mga nagpoprotestang junior doctors sa R.G. Kar Medical College and Hospital, kung saan nangyari ang insidente, “Our indefinite cease-work and sit-in will continue till our demands are met.”
Bilang pakiki-isa naman sa mga doktor, libu-libong supporters ng dalawa sa pinakamalaking soccer clubs sa estado ng West Bengal ang nagmartsa sa mga kalsada ng Kolkata noong Linggo ng gabi, at isinisigaw ang mga katagang “We want justice.”
Sinabi rin ng mga grupo na kumakatawan sa junior doctors sa katabing estado na Odisha, sa kabisera na New Delhi, at sa kanlurang estado na Gujarat, na magpapatuloy din ang kanilang mga protesta.