Indian President Ram Nath Kovind, nakatakdang mag-courtesy call kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong hapon
Mamayang pasado alas tres ng hapon sasalubungin sa Malakanyang ni Pangulong Rodrigo Duterte si Indian President Ram Nath Kovind na nasa bansa ngayon para sa limang araw na state visit.
Katulad ng mga nakaraang foreign leaders na nagco-courtesy call sa Pangulo nakatakda siyang pumirma sa isang guestbook pagpasok sa Palasyo at magkakaroon rin ng one on one meeting at expanded bilateral meeting kasama ang Pangulo.
Sasaksihan din ng dalawang lider ang exchange of agreements sa pagitan ng Pilipinas at India.
Kasunod nito magbibigay naman ng joint press statement ang dalawang lider bago pumunta sa state banquet o dinner.
Bukod sa pagbisita sa Palasyo bukas nakatakdang makipagkita ang Indian President sa Liver Transplant patients, ilang beneficiaries ng Mahaveer Philippines Foundation at dadalo rin sa Philippine-India Business Conclave and 4th ASEAN-India Business Summit sa isang hotel sa Makati.
Pagsapit ng Linggo, sasaksihan niya ang installation ng sculpture ni Mahatma Gandhi sa Miriam College at makikipagpulong rin sa Indian community.
Sa Lunes pa ng umaga nakatakdang umalis ng Pilipinas ang Indian President papuntang Tokyo, Japan.
Ulat ni Vic Somintac