Indian workes na na-trap sa gumuhong tunnel nailigtas na
Sinalubong ng palakpakan at hiyawan ng kagalakan ang 41 construction workers, habang inilalabas sila ng rescuers mula sa gumuhong tunnel matapos ma-trap ng 17 araw, ilang oras makaraang matanggal ang mga bato, konkreto at lupa na nakaharang sa kanilang lalabasan.
Sinabi ni Road Transport Minister Nitin Gadkari, “I am completely relieved and happy as 41 trapped labourers in the Silkyara Tunnel Collapse have been successfully rescued. This was a well-coordinated effort by multiple agencies, marking one of the most significant rescue operations in recent years.”
Ang na-trap na mga lalaki na pawang low-wage workers mula sa pinakamahihirap na estado ng India, ay nakulong sa 4.5 kilometro o tatlong milyang tunnel sa Uttarakhand state, simula nang gumuho iyon noong November 12.
Ang mga manggagawa ay nakitang buhay sa unang pagkakataon eksaktong isang linggo na ang nakalilipas, nang sila ay sumilip sa lens ng isang endoscopic camera na ipinadala ng rescuers sa pamamagitan ng isang manipis na tubo kung saan din ipinadaraan ang hangin, pagkain, tubig, oxygen, gamot at elektrisidad.
Bagama’t na-trap, mayroon silang espasyo sa loob ng tunnel na may sukat na 8.5 metro ang taas at may habang nasa dalawang kilometro.
Ang mga pagsisikap na maghukay upang maaabot sila sa pamamagitan ng drilling machines ay naging kumplikado dahil sa mga nahuhulog na debris at paulit-ulit na pagkasira ng mga makinarya.
An ambulance and rescue operatives gather near the face of the collapsed under construction Silkyara tunnel in the Uttarkashi district of India’s Uttarakhand state, on November 28, 2023. – Indian rescue teams digging by hand are on the verge of breaking through to reach 41 men trapped in a collapsed road tunnel, officials said Tuesday, raising hopes the end of the marathon 17-day operation is in sight. (Photo by Sajjad HUSSAIN / AFP)
Noong isang linggo, tinangka ng mga inhinyero na ilusot nang pahalang ang isang bakal na tubo sa 57 metro o 187 talampakang kapal ng mga bato at konkreto, ngunit may tinamaan silang metal girders at construction vehicles na nabaon sa lupa, sanhi upang masira ang isang higanteng earth-boring auger machine.
Nitong Lunes ay may ipinadalang tinatawag na rat miners upang sa pamamagitan ng kamay ay mag-drill sa mga bato, graba at metal mula sa loob ng isang makitid na evacuation pipe matapos mabigo ang mga makinarya.
Ang tunnel ay bahagi ng $1.5 billion Char Dham highway, isa sa pinakamaambisyosong proyekto ni Indian Prime Minister Narendra Modi, na ang layunin ay pag-ugnayin ang apat na Hindu pilgrimage sites sa pamamagitan ng isang 890-kilometer road networks.
Hindi sinabi ng mga awtoridad kung ano ang naging sanhi ng pagguho, ngunit ang nasabing rehiyon ay lantad sa landslides, mga lindol at mga pagbaha.