Indonesia, niyanig ng 7.1 magnitude na lindol
Nag-panic ang mga turista at nagtakbuhan sa kalsada dahil sa pagtama ng isang malakas at malalim na 7.1-magnitude na lindol at ilan pang aftershocks sa Bali at ilan pang isla sa Indonesia, ngunit hindi ito nagdulot ng malaking pinsala.
Ayon sa US Geological Survey (USGS), tumama ang lindol sa lalim na 515 kilometro sa hilagang-silangang baybayin ng Bali, humigit-kumulang alas-3:55 ngayong Martes ng umaga oras doon (1955 GMT Monday).
Ang pagyanig ay naramdaman sa buong Bali, at mga kalapit na isla ng Lombok at Sumbawa.
Ayon sa mga residente ng Bali, ang ikalawang aftershock ay “mas matagal at mas malakas” kaysa nauna.
Ang USGS ay nag-ulat ng isang 5.4-magnitude at isang 5.6-magnitude aftershock ilang minuto lamang pagkatapos ng unang lindol.
Inilikas ng mga hotel ang kanilang mga guest, habang sinuri naman ng mga staff ang mga dalampasigan sa pangamba ng posibleng isang tsunami.
Sinabi ng tagapagsalita ng Artotel hotel sa eastern Sanur area ng Bali na si Nimas Ayu, “We calmed (guests) and provided mineral water and towels for those who were evacuating. Then after 15 to 20 minutes, when things felt safe, the staff invited guests to return to their rooms.”
Ang sentro ng lindol ay 181 kilometro sa hilagang-silangan ng Gili islands ng Lombok na malapit lamang sa Bali.
Pinawi naman ng Indonesian authorities ang pangamba sa posibilidad ng isang tsunami, at sinabing walang napaulat na agarang pinsala dulot ng lindol.
Ayon sa pahayag ng Bali disaster mitigation agency, “Our teams are carrying assessments as they are still collecting reports from the people.”